Sayang
Pinaka ayaw ko sa lahat ang sayang.
Hindi ako manghihinayang
na huwag sabihin ito.
Sayang ang panahon,
maging maligaya
sabi sa meme.
Wala akong pinanghihinayangan
kaya ngayon hindi pa rin marunong magsuklay.
Sayang naman nagkahiwalay kayo,
wika ng kaibigan nang break na kami
ng insignificant other kong kamukha
ng anime karakter sa Evangelion.
Hindi ako nanghinayang.
Sayang iba ang minahal mo.
Sayang di ako nakapunta sa kasal mo.
Sayang bakit di ko nakilala ang aking ama.
Ano bang mayroon sa salitang ito
at dapat tayong manghinayang
sa nawala,
sa mga nawawala
Sayang ang kuryente:
patayin ang TV,
patayin ang kompyuter,
patayin ang electric fan.
Sayang ang kanin, ubusin.
Obosen. Walang dapat panghinayangan.
Sayang at di pa mamatay si Enrile.
Tangina, hindi!
Mamatay na sana si Enrile.
Manghihinayang ba ang bayan
Sayang ang muriatc acid
na ipinampaligo
kay Hilao. Sayang
ang tingga na ginamit
kay Lacaba. Sayang
ang kahoy na ipinampukpok
sa ulo ng estudyante. Bakit
manghihinayang kung ang bawat dugo
ay gagamiting panghalo ng semento
para sa magagandang tulay, gusali,
at malinis na lansangan
Huwag manghihinayang.
Kung may maghihinayang,
pukpukin siya sa ulo, hulihin,
lagyan ng duck tape sa bibig
o gawing C3PO ang buong katawan,
ilagay ang pangalan
sa listahan ng mga Team Sawi.
Markahan ang pangalan
bilang estudyante, aktibista,
takilyera, miron, sepulterero,
barker, pedicab driver, tulak
ng kariton, natutulak
ng tula, nababato sa kakatula.
Lahat adik kay Sola,
adik kay Rio Locsin,
adik sa Eraserheads,
adik sa Dolce Amor.
Walang ipinagkaiba kaya
bakit manghihinayang
Sayang ang ganda pa naman niya
nireyp lang ng adik.
Sayang na bata, nadamay lang,
wrong timing ang pagsakay sa trysikel.
Ang dami nating pinanghihinayangan
maliban lamang sa pangarap na nawala,
ninakaw.
Isang state actor ang nakainuman ko minsan,
tsinelas lang sapat ng pambayad
sa gusto mong ipatira.
Mas mahal pa ang gagamiting duct tape
sa buhay ng tao.
Huwag na tayong maglokohan,
isa ka ring salarin.
Hindi ko na maalala ang pangalan
ng aking mga biktima.
Sayang
wala na akong masabi.
Gago, ang dami kong sinayang
na linya
para lamang maibsan
ang aking lumbay
sa gabing ito.
25012017